Sa pagbabalik ng face-to-face na klase, muling naisakatuparan ang “PANATA: Panayam at Talaktakan” na pinangungunahan ng CURSOR Publication kung saan binigyan ng pagkakataon ang dalawang partido โ BulSUONE at KASAMA, na ibulalas ang kanilang opinyon sa iba’t ibang isyu na napapanahon.
Ang mga partidong ito ay binubuo ng mga mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Impormasyon at Pangkomunikasyong Teknolohiya na silang nag-aasam na mailuklok sa posisyon para sa Lokal na Konseho sa darating na eleksyon sa Abril 18, 2023.
Sinimulan ang programa sa pambungad na mensahe ng dekano ng kolehiyo, Dr. Keno C. Piad kung saan binigyan niya ng pagpapahalaga at pasasalamat ang mga kasalukuyang nakaluklok na lider-estudyante.
Nag-iwan din siya ng tatlong payo para sa mga kandidatong lider-estudyante, “1. Leadership is not just a noun, its an action word… And as part of leadership, napaka-importante to have a vission so I hope you could be able to share clearly what your vission is all about para mas magkaroon tayo ng direction… Lastly, leadership is a decision, its a choice.”
Sinundan ito ng pagpapakilala ng mga tumatakbo sa posisyon mula sa Gobernador hanggang sa mga lupon. At pagkatapos nito’y wala nang patumpik tumpik at sinimulan na ang talastasan.
Nagkaroon ng pitong tanong na may napapanahong paksa sa loob at labas ng unibersidad sa programang “Hot Seat” na siyang sasagutin ng representante ng bawat partido. Ang huling tanong ay may kinalaman sa pagtuloy ng mga proyekto ng kasalukuyang administrasyon at hiningi ang opinyon ng dalawang kumakandidatong gobernador na tila naging mainit ang pagbabatuhan ng mga salita.
Pagkatapos nito’y agad ding dumako sa kasunod na mga programa na patuloy na humasa sa pag-iisip at sumubok sa pakikipagtalastasan ng mga kandidato. Tinawag itong “Otso-Diretso” at “Fast Talk” kung saan hiningi ang opinyon ng bawat kalahok ukol sa iba’t ibang paksa.
Binigyan din ng pagkakataon ang mga mag-aaral na magbulalas ng kanilang mga katanungan patungkol sa mga plataporma ng dalawang partido na tunay na makapagbubukas ng kanilang isip at makatutulong sa kanilang pagpili ng tamang desisyon.
Nagtapos ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng talumpati ng dalawang kumakandidatong gobernador na sina โ Christian Kyle Santos mula sa partidong BulSUOne at Elia Margarete De Guia mula sa partidong KASAMA. Matapos nito ay pormal na nagkamay ang mga kandidato mula sa bawat partido.
Bago pormal na magtapos ang programa ay nagbigay ng makabuluhang pangwakas na pananalita ang Punong Patnugot ng CURSOR Publication na si Marielle Jiean Teodoro. – Mary Rose Joy Robles at Ryan Carlo Gomez